Welcome to our Guestbook!
Current Page Page 90 Page 89 Page 88 Page 87 Page 86 Page 85 Page 84
Page 83 Page 82 Page 81 Page 80 Page 79 Page 78 Page 77 Page 76
Page 75 Page 74 Page 73 Page 72 Page 71 Page 70 Page 69 Page 68
Page 67 Page 66 Page 65 Page 64 Page 63 Page 62 Page 61 Page 60
Page 59 Page 58 Page 57 Page 56 Page 55 Page 54 Page 53 Page 52
Page 51 Page 50 Page 49 Page 48 Page 47 Page 46 Page 45 Page 44
Page 43 Page 42 Page 41 Page 40 Page 39 Page 38 Page 37 Page 36
Page 35 Page 34 Page 33 Page 32 Page 31 Page 30 Page 29 Page 28
Page 27 Page 26 Page 25 Page 24 Page 23 Page 22 Page 21 Page 20
Page 19 Page 18 Page 17 Page 16 Page 15 Page 14 Page 13 Page 12
Page 11 Page 10 Page 9 Page 8 Page 7 Page 6 Page 5 Page 4
Page 3 Page 2 Page 1
Back to our Guest Book
| Sign Guestbook
08/30/04 22:18:52 GMT
Comments:
Bilang serbisyo publiko, ang mga sumusunod ay ang nilalaman ng aking kolum sa IMBESTIGADOR:
BOSES NG PAMILYANG OFWs...
Ni GEORGE A. ARRIOLA...
For Wednesday (September 1, 2004) issue
...
Update sa Korean Employment Permit System...
Nakatanggap tayo ng text message mula kina Alvin Guevarra, Fred Reyes at Tess Villanueva na humihingi ng update sa naganap na pagpaparehistro sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa Korean Employment Permit System (EPS).
Kaugnay nito ay nakipag-ugnayan kami sa tanggapan ni POEA Administrator Rosalinda Dimapilis-Baldoz at bilang tugon sa kahilingan nina Avin, Fred at Tess at sa mga katulad pang katanungan, narito ang update sa Koean EPS registration:
Simula noong Marso 26, 2004 hanggang Hulyo 13, 2004, nang matanggap ng POEA ang quota allocation mula sa Korea, humigit kumulang sa 185,000 ang nagparehistro sa POEA at sa iba pang opisina nito sa mga lalawigan.
Sa 185,000 na nagparehistro, 129,000 ang nag-qualify base sa mga unang ibinigay na criteria ng Korea katulad ng edad, kawalan ng criminal record, pinag-aralan, mga kasanayan, at experience sa trabaho na kailangan sa Korea. Ang ibang nagparehistro ay hindi nag-qualify dahil sa kakulangan ng mga dokumentong batayan sa pagpili o kaya ay talagang wala pang kasanayan at karanasan sa trabaho sa pabrika o construction.
Sa taong ito, nagbigay ang Korea ng quota na 6,000 para sa Pilipinas. Ang quota na ito ay para sa 3,500 trabaho sa mga pabrika at 2,500 naman sa construction.
Ang mga nakarehistro lamang hanggang Hulyo 13, 2004 at napasama sa 129,000 na nag-qualify sa mga unang criteria ang pinagpilian ng POEA para sa listahang ipapadala sa Korea upang mapunuaan ang unang quota na 6,000 para sa 2004. Ang mga ito ay pinili base sa haba at kalidad ng kasanayan at karanasan sa trabaho. Makikita ang listahan ng 6,000 na kasama sa quota sa website na www.poea.gov.ph.
Ang mga kasali sa listahang ito ay kailangang sumailalim sa medical examination. Patuloy pa ring tatanggap ang POEA ng mga resulta nito kasama ang 2x2 picture na may background na pula.
Dapat malaman na ang medical test result ay isa lamang documentary requirement para sa mas masusing pagpili ng mga aplikante at hindi nangangahulugan na tanggap na sila sa trabaho.
Nilinaw din ng Korea na hindi garantiya sa tiyak na trabaho ang pagkakasama sa listahan para sa quota . Ang mga employer ang pipili ng kanilang manggagawa mula sa listahang ito.
Patuloy ang encoding sa database ng POEA ng mga pangalang hindi nakasama sa listahan ng 6,000 quota. Kahit sila ay hindi napasama sa 6,000 pangalan na ibibigay sa Korea sa taong ito, sila ay kabilang pa rin sa skills registry o manpower pool ng POEA at mauuna sa pagpipilian ng mga pangalang ipapadala sa Korea para sa panibagong quota na ibibigay sa Pilipinas sa susunod na taon. Kasama rin sila sa pagpipilian para naman sa trabaho sa Taiwan at iba pang bansa na mangangailangan din ng mga manggagawang Pilipino.
Maliban sa regular na quota, gusto rin ng Korea na pabalikin sa trabaho doon ang mahigit 4,038 Filipino na nabigyan ng amnesty o kusang umalis ng Korea mula Setyembre 1, 2003 hanggang Pebrero 29, 2004. Kung sa palagay ninyo ay kabilang kayo sa mga ito, i-verify ang inyong pangalan sa listahang ibinigay ng Korean Embassy na makikita sa website ng POEA. Kung kasama ang pangalan ninyo, magpa-eksamin sa pinakamalapit na DOH-accredited clinic o ospital para sa kaukulang medical at psychological examinations para sa Korea workers at magbayad nang mula P1,320 hanggang P1,500 para sa medical examination fee. Kaagad dalhin ang resulta sa Manpower Registry Division sa ground floor lobby ng POEA main office sa may kanto ng EDSA at Ortigas Avenue sa Mandaluyong City.
Wala sa listahan ang mga OFW na nagtrabaho sa Korea at umuwi sa Pilipinas bago ang Setyembre 1, 2003 at ang mga na-deport dahil sa ilegal na pamamalagi doon. Hindi rin sila kabilang sa bibigyan ng prayoridad sa trabaho sa Korea kahit na nakarehistro na sa POEA. Ang mga OFW na na-deport o na-repatriate ay hindi maaaring bumalik sa Korea sa loob ng 5 taon.
Ang mga dating nagtrabaho sa Korea na nasa listahan ang pangalan pero hindi tumutugon sa totoong pangalan sa passport ay pinapayuhang huwag nang bumalik sa Korea dahilan sa posibilidad na pagkakakulong dahil sa paggamit ng palsipikadong dokumento.
Dapat na mag-ingat ang lahat ng aplikante sa panlilinlang ng sinumang nag-aalok ng trabaho lalo na ang mga sumisingil ng malaking halaga. Tumawag lang sa POEA hotlines 722-11-44 o 722-11-55 sa anumang katanungan.
* * *
Para sa inyong reaksyon, reklamo o sumbong, mag-text lang sa ating 24-hour na text messaging hotline na 0916-7421768 o kaya ay mag-e-mail sa gearcom2005@yahoo.com. Ang mga may problemang legal na gustong kumunsulta kay Atty. J. Oswald Lorenzo ay pwede ring mag-text sa nabanggit kong hotline number. Inaanyayahan ko po kayo na bumisita sa ating website na www.pamilyangofw-sme.com. Dapat na magkaisa po tayong lahat upang ipaglaban sang karapatan at itaguyod ang kapakanan ng ating modern-day heroes at kanilang pamilya. Hanggang sa Miyerkules, mabuhay ang pamilyang OFWs!
# # #
BOSES NG PAMILYANG OFWs...
Ni GEORGE A. ARRIOLA...
For Monday (August 30, 2004) issue...
Kapag ang OFW ay naargabyado, dapat lang na maghabla!...
Marami tayong nakaugnayan na OFW na inargabyado ng kanilang recruiter at employer pero ayaw magreklamo at magsampa ng kaso dahilan sa para sa kanila ay malaking abala lang ito.
Para sa kanila, areglo pa rin ang pinakamainam na solusyon. Kapag nabayaran na ay tumatahimik na lamang.
Dahilan dito nagpapatuloy ang pang-aargabyado ng ilang recruiter at employer sa iba pang OFW.
Pero may mangilan-ngilan na talagang nagtitiyaga na magreklamo at magsampa ng kaso laban sa kanilang recruiter o employer.
Isa na rito si Nena Ruiz, 61 anyos, na Filipina immigrant sa Estados Unidos.
Ayon sa kanya, siya ay inalipin at ginawang domestic slave sa loob ng isang taon ng kanyang among si James Jackson, vice president for legal affairs ng kilalang Sony Pictures Entertainment sa Hollywood, at ng asawa nitong si Elizabeth.
Base sa naging desisyon ng Los Angeles Superior Court Jury, pinaboran lahat ang mga inihaing reklamo ng dating guro na si Ruiz na gaya ng "involuntary servitude, false imprisonment, invasion of privacy, negligence at wage violations."
Si Ruiz ay nanalo sa kaso at ginawaran ng Korte ng kabuuang danyos na US$551,000 (katumbas ng P31 milyon). Mula sa nasabing halaga, US$275,000 ay kabayaran sa mga hindi natanggap na suweldo ni Ruiz mula sa mag-asawa.
Sa sinumpaang testimonya ni Ruiz, sinabi nito na mula pa noong Pebrero 2001 ay hindi na siya pinayagang makalabas pa sa tirahan ng mga Jackson matapos na itago ang kanyang pasaporte at iba pang travel documents.
Bukod dito, umabot lamang sa $300 ang nakukuha niyang sahod sa pagseserbisyo sa loob ng isang taon pero ang pinakamasaklap ay pinatutulog pa siya sa kama ng mga aso.
Sinabi ni Ruiz sa Korte na nagtungo siya sa Amerika upang alagaan ang kanyang mother-in-law na nakaratay dahil sa sakit na lymphoma subalit kinuha siya ng mag-asawang Jackson matapos na hindi matuloy ang kanyang orihinal na papasukang trabaho doon.
Aniya, sinubukan niyang magpaalam sa kanyang mga amo subalit pinilit siyang manatili at tinakot na isusuplong sa mga awtoridad kapag tumakas.
Matapos ang ginawang imbestigasyon ng US Federal Prosecutors sa kaso ni Ruiz ay napatunayang nagsasabi siya ng katotohanan.
* * *
Sana ang kaso ni Ruiz ay magsilbing modelo sa iba pa nating mga kapamilyang OFW nag-aatubiling magsampa ng kaso. Sabi nga, kung may tiyaga ay may nilaga. Si Ruiz ay nagtiyaga kaya’t nagkaroon ng magandang resulta ang kanyang pakikipaglaban.
* * *
Samantala, matapos ang matagal na pagtatago sa batas ay naaresto na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang engineer na sangkot sa billion peso pyramiding scam sa San Juan.
Si Engr. Leo Andreau Hadi, 30 anyos, kasalukuyang pangulo at chief executive officer ng H-Factor Marketing and Trading Corp. na may tanggapan sa BR Building A. Bonifacio St., Canlalay, Biñan, Laguna, ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Hilario Corcuera ng San Juan Regional Trial Court.
Sa isinagawang imbestigasyon ni Atty. Edmund Arugay ng NBI-National Capital Region, napag-alaman na noong Mayo 2003 ay daan-dang complainants (kabilang ang ilang dumulog sa IMBESTIGADOR at Task Force Against Illegal Recruitment and Investment Scams o TIRIS) ang humingi ng tulong sa kanila upang imbestigahan si Hadi.
Ayon sa complainants, nangako si Hadi na magbibigay ng 10% buwanang interest para sa kanilang investment subalit hindi ito natupad matapos silang magbigay ng halagang umaabot sa P1.2 milyon bawat isa.
Bunsod nito kaya’t sinampahan si Hadi ng kasong syndicated estafa sa Regional Trial Court Branch 25 ng Biñan, Laguna. Walang inirekomendang piyansa sa pansamantalang paglaya nito.
Matapos malaman ni Hadi na siya ay kinasuhan ay nagtago na ito sa mahabang panahon. Kamakailan ay nakatanggap ng impormasyon ang NBI na si Hadi ay nasa isang realty business kung saan nakikipag-transaksyon sa kanya ang isang asset sa NBI kung saang lugar sila magkikita at doon na siya inaresto.
* * *
Para sa inyong reaksyon, reklamo o sumbong, mag-text lang sa ating 24-hour na text messaging hotline na 0916-7421768 o kaya ay mag-e-mail sa gearcom2005@yahoo.com. Ang mga may problemang legal na gustong kumunsulta kay Atty. J. Oswald Lorenzo ay pwede ring mag-text sa nabanggit kong hotline number. Inaanyayahan ko po kayo na bumisita sa ating website na www.pamilyangofw-sme.com. Dapat na magkaisa po tayong lahat upang ipaglaban ang karapatan at itaguyod ang kapakanan ng ating modern-day heroes at kanilang pamilya. Hanggang sa Miyerkules, mabuhay ang pamilyang OFWs!
# # #
BOSES NG PAMILYANG OFWs...
Ni GEORGE A. ARRIOLA...
For Friday (August 27, 2004) issue...
2 tula mula sa ating kapamilyang OFW: Buhay-OCW at Batang Saudi...
Nakatanggap ang inyong lingkod ng e-mail message mula sa isa nating kapamilyang OFW na si Edgar Alvarez na nasa Saudi Arabia na humiling na ilathala ang dalawang tula mula sa dalawa nating kapamilyang OFW na nagsisilbing BOSES ng OFWs. Tunghayan natin ang dalawang tula:
Buhay-OCW
Ni Roselyn B. Alegonza
Green pasture ba yong hanap...
pagkat buhay sa Pinas ay mahirap?
kung hanap-buhay dito'y mailap
sa ibayong dagat maaaring mahanap...
Ika'y nangibang-bayan,
upang lumago iyong kabuhayan,
ngunit dala mo'y hirap ng kalooban,
pagkat iyong pamilya ay iiwan...
Sa paglayo sa mahal sa buhay,
di birong damdaming taglay,
lungkot at pangungulila, minsan pa'y bumibigay,
sadyang kapalit nito'y lahat ng bagay...
Hanap-buhay ay tinitiis,
kahit tagaktak ang pawis,
ika'y walang mahal na kawangis,
isip mo'y maiuuwing dolyares...
Tukso at bisyo'y iyong iwasan,
pagkat masisira iyong tahanan,
obligasyon mo'y wag mong takasan,
pagkat pamilya mo'y mawawalan...
Pakaisipin lagi pamilyang naiwanan,
kung mangyari man ang kinatatakutan,
lahat ng iyong pinaghirapan,
mapupunta lang sa kawalan..
Sakaling pamilya'y naiahon na,
bigyan sila ng panahon pang natitira,
di lang salapi ang mahalaga;
pagkat pagmamahal mo'y kailangan din naman
* * *
Batang Saudi
Ni Rafael A. Pulmano
'Sang kahig, 'sang tuka
Madalas ay wala
Pamilya'y kawawa
Tutunga-tunganga.
Sawa na sa hirap
Ibig ay lumasap
Ng ginhawa't sarap
Na pinapangarap.
Nangutang ng pera
Sa Saudi nagpunta
Nagtiis, nagdusa
Para lang kumita.
Halos paalila
Sa Arabong bansa
Sa katitiyaga
Nakamta'y nilaga.
Umuwi ng bayan
Mayaman, mayabang
Nagpista sa bahay
Ang mga kaibigan.
Halos araw-gabi
Naghahapi-hapi
Itong batang-Saudi
At barkadang-bote.
Dumating ang araw
Na sa kagu-good time
Ang naipong riyal
Natira'y lalagyan.
'Sang kahig, 'sang tuka
Madalas ay wala
Pamilya'y kawawa
Tutunga-tunganga.
* * *
Para sa inyong reaksyon, reklamo o sumbong, mag-text lang sa ating 24-hour na text messaging hotline na 0916-7421768 o kaya ay mag-e-mail sa gearcom2005@yahoo.com. Ang mga may problemang legal na gustong kumunsulta kay Atty. J. Oswald Lorenzo ay pwede ring mag-text sa nabanggit kong hotline number. Inaanyayahan ko po kayo na makinig sa programang “Pamilyang OFWs-SMEs!” bukas at tuwing Sabado, mula alas-3 hanggang alas-4 ng hapon, sa dzRJ 810 AM na kung saan ay magbibigay kami ng update sa anti-illegal recruitment at anti-investment scams campaign sa pakikipag-ugnayan sa government agencies, non-government organizations at OFW/SME associations. Inaanyayahan ko rin po kayo na bumisita sa ating website na www.pamilyangofw-sme.com. Dapat na magkaisa po tayong lahat upang ipaglaban ang karapatan at itaguyod ang kapakanan ng ating modern-day heroes at kanilang pamilya. Hanggang sa Lunes, mabuhay ang pamilyang OFWs!
# # #
BOSES NG PAMILYANG OFWs...
Ni GEORGE A. ARRIOLA...
For Wednesday (August 25, 2004) issue...
POEA, BI at NLRC officials dapat ipa-lifestyle check ni GMA!...
Nananawagan ang isa nating kapamilya kay President Gloria M. Arroyo na ipa-lifestyle check ang mga opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Bureau of Immigration (BI) at National Labor Relations Commission (NLRC) dahilan sa ang ilan umano sa kanila ay corrupt.
Sa e-mail message ni Fred A. ng Baguio City, sinabi niya na kung talagang seryoso ang Pangulo sa kanyang kampanya laban sa korupsyon ay dapat na ipa-lifestyle niya ang mga matataas na opisyal ng mga nabanggit na ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa OFWs.
Ipinahayag pa ng dating OFW leader na si Fred na ang ilang may-ari ng recruitment agency na may kaso sa POEA ay nakikipagsabwatan umano sa mga opisyal ng nasabing ahensiya upang hindi sila masuspinde o kaya ay makansela ang kanilang lisensiya. At kung minsan, sila pa umano ang tumatayong abogado ng recruitment agency na kumukumbinse sa nagrereklamong OFW na huwag nang ituloy ang pagsasampa ng kaso dahilan sa ito’y magtatagal lamang at tiyak na magagastusan lamang sila.
Sinabi pa niya na ang pagtatanggol na ito ng ilang opisyal ng POEA sa mga may-ari ng recruitment agency ay may kapalit umano na malaking halaga. Imbes na ang kapakanan ng mga OFW ang maging prayoridad ng mga tiwaling opisyal ng POEA ay ang interes umano ng mga recruitment agency ang kanilang pinoprotektahan.
Binatikos din niya ang ilang matataas na opisyal ng BI na nasa likod ng “escort system” na hanggang sa ngayon ay nagaganap pa rin umano sa may Ninoy Aquino International Airport. Sa halagang P50,000 pataas umano na “areglo” ay hindi na dadaan sa normal na proseso ang sinumang kababayan natin na aalis bilang turista na sa totoo lamang ay planong magtrabaho sa abroad.
Sinabi pa niya na sa NLRC ay talamak din umano ang aregluhan. Niluluto umano ng labor arbiter ang mga kaso kapalit ng napagkasunduang halaga upang ang kanyang desisyon ay maging pabor sa kompanyang inirereklamo ng OFW. Sinabi niya na may pagkakataon na nakikita pa nila ang ilang opisyal at labor arbiter ng NLRC na kasamang kumakain sa restawran ang may-ari ng recruitment agency at imposible naman na ang magbabayad ng kanilang bill ay ang NLRC official o labor arbiter.
Ayon sa kanya, napapanahon na ipa-lifestyle check na ang mga opisyal ng POEA, BI at NLRC dahilan sa masyado nang naargabyado ang mga OFW.
Sinabi pa niya na ang ilan sa kanyang mga kasamahang OFW ay argabyado na sa kanilang employer sa abroad at ang tanging pag-asa na lamang ay makamit ang hustisya dito sa Pilipinas pero kabaligtaran sa kanilang inaasahan ang nangyayari dahilan sa malawakang “aregluhan.”
Ayon sa kanya, handa siyang makipagtulungan sa IMBESTIGADOR at Task Force Against Illegal Recruitment and Investment Scams o TIRIS upang ibigay ang listahan ng mga pangalan ng mga opisyal ng mga nabanggit na ahensiya ng gobyerno na gumagawa ng “milagro.”
* * *
Kaisa kami ni kapamilyang Fred A. sa kanyang panawagan na ipa-lifestyle check ang ilang opisyal ng POEA, BI at NLRC na isinasangkot sa korupsyon ng ating mga kapamilyang OFW. Aantayin natin ang sinasabi niyang listahan upang mailathala natin sa pitak na ito. Inaanyayahan din natin ang iba pa nating kapamilyang OFW na may nalalamang “milagro” na ginawa o ginagawa ng mga opisyal at kawani ng mga nabanggit na ahensiya na makipag-ugnayan sa inyong lingkod upang ating ibulgar ang kanilang mga katiwalian.
* * *
Muli kong pinaaalalahanan ang ating mga kapamilyang OFW na naging biktima ng illegal recruiters at investment scammers na laging handa ang IMBESTIGADOR at TIRIS na kayo ay tulungan upang makamit ang hustisya. Para sa inyong reaksyon, reklamo o sumbong, mag-text lang sa ating 24-hour na text messaging hotline na 0916-7421768 o kaya ay mag-e-mail sa gearcom2005@yahoo.com. Ang mga may problemang legal na gustong kumunsulta kay Atty. J. Oswald Lorenzo ay pwede ring mag-text sa nabanggit kong hotline number. Inaanyayahan ko rin po kayo na bumisita sa ating website na www.pamilyangofw-sme.com. Dapat na magkaisa po tayong lahat upang ipaglaban ang karapatan at itaguyod ang kapakanan ng ating modern-day heroes at kanilang pamilya. Hanggang sa Biyernes, mabuhay ang pamilyang OFWs!
# # #
BOSES NG PAMILYANG OFWs...
Ni GEORGE A. ARRIOLA...
For Monday (August 23, 2004) issue...
Gov’t officials na gamit ang opisina sa sariling interes, dapat sibakin!...
Marami pa ring opisyal sa ating pamahalaan na ginagamit ang kanilang opisina para sa kanilang sariling interes. At posibleng ang ilan sa mga ito ay ang mag-asawang Antonio at Benilda Carillo na kapwa attaché sa Philippine Embassy sa United Arab Emirates (UAE).
Ang mag-asawa ay nahaharap ngayon sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Office of the Ombudsman dahil sa paggamit umano ng mga ito ng pasilidad ng gobyerno sa kanilang negosyo sa halip na paglingkuran ang mga OFW.
Noong nakaraang linggo, pormal na nagsampa ng kaso sa Ombudsman ang OFW na si Peter dela Cruz laban sa mag-asawa at kasama rin sa reklamo sina Jessie Esguerra Sr. at anak nitong si Jessie Jr., na kapwa nag-iingat ng Philippine diplomatic passport.
Nakasaad sa reklamo ni Dela Cruz na nakipagsabwatan umano ang mga ito sa pribadong indibidwal na sina Rowena Montano Sendeno, Juanito Asuncion at Manuel Garcia.
Base sa reklamo ni Dela Cruz, nagtatag ang mag-asawang Carillo ng negosyo na Regent Forex Cargo sa UAE at ginagamit ang pasilidad ng gobyerno para sa kanilang business venture na ginawa pa nilang extension office.
Ibinulgar ni Dela Cruz na mula umano noong buwan ng Hunyo hanggang sa kasalukuyan, ang mag-asawa ay gumagamit ng mga kagamitan ng gobyerno para sa pagpoproseso ng mga permits at lisensiya ng nasabing negosyo.
* * *
Saludo kami kay Dela Cruz sa kanyang paglalakas-loob na ireklamo ang nabanggit na matataas na opisyal sa RP Embassy sa UAE. Dapat siyang tularan ng ating mga kapamilyang OFW na may mga nalalaman na opisyal ng pamahalaan at kanilang pamilya na ginagamit ang kanilang posisyon at impluwensiya para sa kanilang sariling interes at negosyo. Marami na kaming natatanggap na impormasyon na katulad ng kay Dela Cruz mula sa ating mga kapamilyang OFW kaya nga lamang ay hindi sila nagkakaroon ng lakas ng loob dahil para sa kanila ay pag-aaksaya lamang ito ng oras. Kaya nga ba dumarami ang bilang ng mga corrupt government officials ay sa kadahilanang alam ng mga kurakutero na bihira ang maglalakas-loob na ang kanilang mga katiwalian ay ibulgar dahil sa ito’y dagdag na gastos at abala sa ating mga kapamilyang OFW. Kung walang tulad ni Dela Cruz ay kailan pa marereporma ang ating gobyerno at uunlad ang ating bayan. Kaya’t hinahamon ko ang ating mga kapamilyang OFW na may nalalaman na ginagamit ng government official ang kanilang poder sa pansariling interes na lumantad na at sila ay tutulungan ng IMBESTIGADOR at Task Force Against Illegal Recruitment and Investments Scams o TIRIS sa kanilang pagbubulgar at pagsasampa ng reklamo laban sa mga tiwaling opisyal ng ating pamahalaan. Dapat lamang na sibakin ang mga mapagsamantalang government official na anay sa ating lipunan!
* * *
Samantala, binabati natin si Nestor Sulpico na isa na muling Filipino citizen. Magugunitang naging laman ng mga pahayagan sa Amerika at Pilipinas ang taxi driver sa New York na nakilala sa kanyang katapatan nang ibalik sa kanyang pasahero ang naiwang mga black pearl na nagkakahalaga ng US$70,000. Ito’y katumbas ng P3.920 milyon sa palitang P56 kontra US$1!
Sinabi ni Commissioner Alipio Fernandez ng Bureau of Immigration na aprubado na ang petition for dual citizenship ni Sulpico na personal na nagtungo sa kanyang tanggapan noong Huwebes.
Ayon kay Fernandez, muling nabawi ni Sulpico ang kanyang Philippine citizenship base sa Republic Act 9225 o Citizenship Retention and Reacquisition Act of 2003.
Sa ilalim ng nasabing batas na pinagtibay ng Kongreso at inaprubahan ni Pangulong Arroyo, pinapayagan ang mga dating natural-born Filipino citizen na naging naturalized citizen ng ibang bansa na mabawi ang kanilang citizenship.
Si Sulpico ay isinilang sa Leganes, Iloilo, noong Oktubre 9, 1956, at pagkalipas ng ilang taon ay nagtungo sa Estados Unidos kung saan siya ay naging taxi driver.
Ipinamalas niya sa buong mundo ang kanyang kabayanihan nang ibalik ang mga black pearl na naiwan sa kanyang taxi ng isang Lawrence Policastro na taga-Connecticut.
Sa halip na angkinin ni Sulpico ang mga perlas, nagtungo pa ito sa malayong lugar na kinaroroonan ni Policastro upang isauli ang naturang mga alahas.
Muli, congratulations kay Nestor Sulpico at sana ay dumami pa ang katulad mo na dangal nating mga Filipino sa iba’t-ibang panig ng mundo!
* * *
Muli kong pinaaalalahanan ang ating mga kapamilyang OFW na naging biktima ng illegal recruiters at investment scammers na laging handa ang IMBESTIGADOR at TIRIS na kayo ay tulungan upang makamit ang hustisya. Para sa inyong reaksyon, reklamo o sumbong, mag-text lang sa ating 24-hour na text messaging hotline na 0916-7421768 o kaya ay mag-e-mail sa gearcom2005@yahoo.com. Ang mga may problemang legal na gustong kumunsulta kay Atty. J. Oswald Lorenzo ay pwede ring mag-text sa nabanggit kong hotline number. Inaanyayahan ko rin po kayo na bumisita sa ating website na www.pamilyangofw-sme.com. Dapat na magkaisa po tayong lahat upang ipaglaban ang karapatan at itaguyod ang kapakanan ng ating modern-day heroes at kanilang pamilya. Hanggang sa Miyerkules, mabuhay ang pamilyang OFWs!
# # #
BOSES NG PAMILYANG OFWs...
Ni GEORGE A. ARRIOLA...
For Friday (August 20, 2004) issue...
OFW-IMC gustong paimbestigahan ng pamilyang OFWs sa SEC! ...
Nais ng ating mga kapamilyang OFW na imbestigahan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang isinasagawang investment solicitation activity ng OFW-International Management Corporation. Ito ang sama-samang BOSES na natanggap natin mula nang ibulgar ng IMBESTIGADOR at Task Force Against Illegal Recruitment and Investment Scams o TIRIS ang kanilang umano’y illegal na aktibidad na isinasagawa sa publiko gamit ang kanilang website na www.ofw-imc.com.
Ito rin ang irerekomenda ng inyong lingkod sa SEC sa mga darating na linggo. Sa kasalukuyan ay inihahanda na natin ang mga dokumento na ating isusumite na magpapatunay na ang OFW-IMC ay nagsasagawa ng pangangalap ng pondo nang walang kaukulang Secondary License mula sa nasabing ahensiya ng gobyerno.
Kabilang sa mga ebidensiya na ating isusumite sa SEC ay ang tuwirang pag-amin ni Antonina “Tonette” Binsol, chairperson ng OFW-IMC, na nagso-solicit sila ng investors sa pamamagitan ng internet kahit na hindi pa sila pinagkakalooban ng Secondary License ng SEC. Ang kanyang hindi sinasadyang pag-amin sa pamamagitan ng kanyang e-mail message sa inyong lingkod ay inilathala na natin noon pang Agosto 13.
* * *
Samantala, narito ang karugtong ng panibagong paglilinaw sa Korean Employment Permit System( EPS) na tinalakay natin noong Miyerkules:
Talaan ng mga Gugulin.
Para sa Application Stage: Pasaporte -- P500; NBI Clearance --P100; Medical Examination, Basic & other tests -- P1,320 to P1,500 (kung may pregnancy test at ECG kasama)
Para sa Documentation Stage: Pre-employment training -- P5,000 (estimate pa lamang)
Para sa Deployment Stage: POEA processing fee katumbas ng US$50; OWWA membership --P1,275; Visa fee -- P2,500; at one-way airfare to Korea na katumbas ng US$230
Para sa onsite expenses: (Korean Won ang tawag sa salapi ng South Korea)
1. Return Cost Guarantee Insurance -- (katumbas ng one-way airfare pabalik sa Pilipinas (humigit-kumulang sa Korean Won 400,000) (Ang insurance na ito ay babayaran pagkalipas ng 80 araw ng pagdating sa Korea.)
2. Non-Industrial Accident Insurance -- Korean Won 25,000 (halaga para sa mga lalake na 30 anyos at mag-iiba sanga-ayon sa edad at kasarian) (Ang insurance premium ay agad babayaran ng buo sa loob ng 15 araw pagdating sa Korea sa panahon ng employment training. Dahil dito ipinapayo na dala ng manggagawa ang halagang pambayad sa insurance na ito patungong Korea.)
Iba pang Kakaltasin sa Suweldo. Mahalagang malaman ng manggagawa na habang nagtatrabaho na sa Korea ay may iba pang kaltas o deductions sa sahod gaya ng automatic deduction para sa Mandatory Employment Insurance, National Health Insurance at National Pension ukol sa mga benepisyo na kahati sa pagbabayad ang employer, at kaukulang buwis o tax.
Oras ng Trabaho. Sang-ayon sa Korean Labor Law, may 44 oras na trabaho sa loob ng isang linggo.
Suweldo. Ang Korean employers ay kailangang bayaran ang mga manggagawa ng higit sa minimum wage na Korean Won 2,840 kada oras (katumbas ng US$2.44). Ipinapayo na upang maging kapaki-pakinabang, di dapat bumaba sa US$850 ang salary offer na tatanggapin ng manggagawa sa ilalim ng EPS.
Mahalagang Paunawa sa mga Manggagawang Patungo sa Korea.
1. Ang mga manggagawa ay kailangang sumunod sa lahat ng batas ng Korea upang makatulong na magpatuloy ang pagkuha ng bansang Korea ng mga Filipinong manggagawa sa ilalim ng EPS at upang sila ay makaiwas sa mabigat na kaparusahan ng paglabag sa batas.
2. Pagdating sa Korea, mayroon pang isang medical examination na walang bayad na gagawin habang ang manggagawa ay kumukuha ng employment training sa itinakdang training institute sa ilalim ng HRD Korea. Ang training na ito sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi (3 days/2 nights) ay walang bayad. Ang hindi makakapasa sa medical examination sa Korea ay tiyak na pababalikin sa Pilipinas
* * *
May magandang oportunidad na naghihintay sa mapipiling barangay coordinators at dealers ng Pamilyang Overseas Filipino Workers-Small and Medium Entrepreneurs Network Foundation, Inc. (POFW-SMENFI), pahayag ni Singaporean entrepreneur Chong Ken Foo sa radio program na TIRIS (acronym ng Task Force Against Illegal Recruitment and Investment Scams) noong Sabado sa dzRJ 810 AM. Sinabi ni Chong, chairman ng Exquisite Focus Philippines Inc., na ito’y sa pamamagitan ng “Programang Pangkabuhayan at Pangnegosyo sa Pamilyang OFWs at SMEs” na isang proyekto sa pagitan ng EFPI at POFW-SMENFI.
Ayon kay Chong, ang EFPI ay may dalawang produkto –- ang Exquisite soil conditioner at bio-organic fertilizer –- na napatunayang nakakapagpabilis at nakakatulong sa mas malaking produksyon ng ani. Ang gagamit ng dalawang produkto ay makatitipid nang malaki dahilan sa hindi na sila gagamit ng fertilizer, pesticide at chemistry hormones. Isa sa mga nagpatunay nito ay si Chita Sandahan, supervising agriculturist sa Office of the Provincial Agriculturist sa Palawan.
Sa nasabing proyektong pangkabuhayan at pangnegosyo, ang barangay coordinators at dealers ay pwedeng kumita nang mula P20,000 hanggang P50,000 kada buwan. Kaugnay nito, dalawang libreng seminar ang nakatakdang ganapin sa Agosto 23 at 26 sa opisina ng foundation sa No. 53 18th Avenue, Murphy, Cubao, Quezon City. Dahilan sa limitado ang espasyo ay kailangan ang maagang rehistrasyon sa tel. Nos. 912-58-03 o 437-16-60. Ang mga mahahalagang detalye ng nasabing programa ay tatalakayin natin bukas sa TIRIS, simula alas-3 ng hapon, sa dzRJ, kaya’t inaanyayahan namin kayo na makiisa sa natatanging programa na ang layunin ay gawing negosyante ang pamilyang OFWs.
* * *
Dapat na magkaisa po tayong lahat upang ipaglaban ang karapatan at itaguyod ang kapakanan ng ating modern-day heroes at kanilang pamilya. Hanggang sa Lunes, mabuhay ang pamilyang OFWs!
# # #
Current Page Page 90 Page 89 Page 88 Page 87 Page 86 Page 85 Page 84
Page 83 Page 82 Page 81 Page 80 Page 79 Page 78 Page 77 Page 76
Page 75 Page 74 Page 73 Page 72 Page 71 Page 70 Page 69 Page 68
Page 67 Page 66 Page 65 Page 64 Page 63 Page 62 Page 61 Page 60
Page 59 Page 58 Page 57 Page 56 Page 55 Page 54 Page 53 Page 52
Page 51 Page 50 Page 49 Page 48 Page 47 Page 46 Page 45 Page 44
Page 43 Page 42 Page 41 Page 40 Page 39 Page 38 Page 37 Page 36
Page 35 Page 34 Page 33 Page 32 Page 31 Page 30 Page 29 Page 28
Page 27 Page 26 Page 25 Page 24 Page 23 Page 22 Page 21 Page 20
Page 19 Page 18 Page 17 Page 16 Page 15 Page 14 Page 13 Page 12
Page 11 Page 10 Page 9 Page 8 Page 7 Page 6 Page 5 Page 4
Page 3 Page 2 Page 1
Back to our Guest Book
| Sign Guestbook